Thursday, March 13, 2008

siquijor


"Maam naaksidente ba kayo?", ang walang kagatol-gatol na tanong sa amin ng tindera habang pumipili kami ng tshirt na may tatak na siquijor. Syempre natawa muna ako bago nakasagot. "Naku hindi po, nahampas lang kami ng alon sa mga corals matapos mag snorkel." Kase nga naman etong may sari-saring galos kami sa hita, sa binti, sa paa, sa braso. At etong si Jao - magpasikat ba. Pinakita pa talaga sa tindera yung mahabang galos nya sa tyan na nagasgas din ng mga bato. (Makalipas ang isang buwan ay mukhang may mahabang balat na sya sa tyan)

Mangkukulam ba kamo?

Ang sadya talaga namin sa souvenir shop na ito ay makabili ng di basta-basta lang tshirt - gusto namin yung nakita naming suot ng manong sa pier nung isang araw. Nakaprint sa tshirt ay isang mangkukulam na nagluluto gamit ang isang malaking kaldero at sandok. Tapos may nakasulat na "Siquijor Brewery". Astig di ba? Para sa mga di naka-gets, ang Siquijor ay may reputasyon bilang isang lugar na hanggang ngayon ay naglipana pa rin daw ang mga mambabarang at mangkukulam. Kaya nga sabi nila mag-ingat kami sa lugar na ito, maging magalang at wag mang-aaway ng mga lokal - na dapat naman talagang i-practice kahit saang lugar ka man pumunta.


eto yung tshirt ni manong. "Siquijor Brewery". nahanap din namin sa pangatlong souvenir shop na pinuntahan namin. (sa coral cay resort) ito lang nasa tshirt ang tanging mangkukulam na nakita namin sa lugar na ito.

day trip muna


sa halagang 1000 pesos ay nakapag arkila kami ng ezride(ang version nila ng pampasaherong jeepney), ang una naming nadaanan ay ang century old balete tree. mahiwaga daw ito at may nakatirang mag-asawang multo sa taas ng puno. sa ilalim ng puno ay may maliit na batis kung saan may mga naliligong bata - yung tubig daw ay nagmumula sa puno.


itinigil din kami ng aming driver na si manong billy sa lugar na ito - ang napakagandang bayan ng lazi. daming yellow flowers! sabi ni manong maganda daw magpa picture dito.


bihirang-bihirang dumaan ang mga sasakyan kaya nakuha pa naming tumambay at magpakuha ng picture sa kalye


jao, sym at ako sa parking area ng cambugahay falls. water break muna


ang cambugahay falls. masarap tumambay dito! malinaw ang tubig, tahimik at higit sa lahat ay pwedeng tumalon mula sa taas ng waterfalls. medyo mag-ingat nga lang lalo na ang mga babae - maaari kaseng umangat ang bikini top mo sa lakas ng impact pagbagsak sa tubig. di ko na lang sasabihin kung sino sa min ang napakatagal umangat sa tubig matapos tumalon - talagang mamabutihin pa nyang malunod kase magkaron ng "cambugay falls scandal". :)


mayron 5 levels daw ang cambugahay falls. eto pa yung isang level.

ang st. isidore labradore church at convent sa bayan ng lazi. malaki at may kalumaan na ang simbahan na ito, sabi ni manong na nagva vacuum ng sahig ng church - gawa daw sa makopa at ipil ang sahig nila.


ang salagdoong beach sa bayan ng maria. maganda ang beach dito, pino ang buhangin at masarap sanang magchill sa beach dahil nasa loob ito ng cove. pero inulan kami at isa pa ay may malapit na videoke sa tabi kaya nadungisan ang malaparaiso sanang ambience. (biro ni jao na di lang kami makasingit sa pila ng videoke kaya kami balisa)


merong 40 feet drop cliff sa salagdoong beach. di namin agad naisip na pwede pa lang tumalon mula dito. next time humanda ka cliff!

anong dive? chill na lang

kinabukasan, imbes na magdive pa ay minabuti na lang namin magpakatamad. plano namin puntahan yung mga sikat na resort(coco grove, kiwi dive, coral cay), magsnorkel at dayuhin ang barangay san antonio kung saan maraming mananambal(witch doctors) dahil gusto ko sana bumili ng love potion. (pero di para sa kin!)


eto ang wiling-wiling si jao na ginugulo ang mga sea stars. ia-arrange nya daw para magandang kunan ng litrato. hanep sa shorts di ba? puso-puso. kamukha nya nga pala dito si lucy van pelt. (nasa harap lang kami nito ng kwarto namin sa dondeezco resort)


ako at si jao

ilan sa mga lumang bahay na nadaanan namin


lunch lang sa coco grove resort ang plano namin. pero sobra kaming nagandahan kaya dito na kami inabot ng sunset. medyo masungit nga lang yung waitress namin, kaya nagulat na lang kami ng sabihin nyang "jesus is coming!". sabay-sabay kami nagkatinginan at di alam kung paano magre react. ang ibig nya pala sabihin ay "juice is coming!". lintek! hehe


may mga batang lumalangoy sa harap ng kubo namin. masasaya sila at nakipaglaro pa sa kin ng habulan. aliw na aliw sila sa camera ni anet.


isa pa ate!


si anet habang naghahanap ng sea stars sa malawak na seagrass bed sa harap ng coco grove resort.


eto si manang habang binabalot ang order naming torta. ang sarap ng torta at banana cake nila dito. ang tindahan nila ay sa tabi lang mismo ng pier.

how to get there:
mula sa dumaguete, bumabyahe ang delta fast ferry papuntang siquijor port 6x a day. 160 pesos plus 15 peso terminal fee

where to stay:
dondeezco resort - dito kami nagstay dahil fully booked na ang coco grove at kiwi resort. medyo rundown na ang resort na ito pero maasikaso ang staff nila kaya ok na rin. libre ang pickup to/from siquijor port. P1500 per night ang beach front superior room nila, kasya kaming apat.
http://dondeezco.com.ph/

coco grove - maganda ang resort na ito, malawak ang beach nila at alagang-alaga ang facilities. mahal nga lang, isang cottage ay P2000+ a night.
http://www.cocogrove.com.ph/

coral cay resort - dumaan lang kami dito para bilhin yung "siquijor brewery" shirt pero nung makita namin ang resort ay gusto na namin magcheckout sa resort namin at lumipat dito. iilan lang ang cottages nila, beach-front yata lahat at mababait yung staff nila. yung rates nila ay ok rin, nasa 1000 pesos pataas.
http://www.coralcayresort.com/

Hello 2017

Hello blog, it has been 4 1/2 years since my last post! I thought I'd just give you an update with what's happened since then: I...